Pwede bang manalo sa lotto gamit ang mathematics?
Tanong
Sa isang post ninyo, nabanggit ninyo ang chance na manalo sa lotto ay napakaliit at kailangan ng malaking pera. Kung sakali ba na ang isang tao ay mayroong sapat na pera, mapapanalo nya ba ito? Paano?
Sagot
Opo. Assuming na walang problema sa pera, siguradong mananalo ang isang tao na tatayaan ang lahat ng kombinasyon. Ang kailangan lang ay ang mga sumusunod:
- Maraming maraming pera
- Programmer
- Maraming tickets
Ang Paliwanag
Maraming Pera
Kagaya ng aking nabanggit sa post na nabasa ninyo, ang chance na manalo sa 6/42 draw ay1 in 5,245,786. Ito ang draw na may pinakamalaking chance ng panalo. Dahil 10 piso ang isang ticket, kailangan ng P52,457, 860.00 para mabili ang lahat ng tickets. Syempre, kung iba ang tatayaan, halimbawa 6/45, mas malaki ang kailangang pera.
Programmer
Ang programmer ay gagawa ng program para mai-generate ang lahat ng posibleng kombinasyon. Dahil napakahirap i-generate ang lahat ng combination, kailangan ang computer para masigurado na walang makakaligtaan. Medyo simple lamang ang program na gagawin kaya kahit undergraduate student na may sapat na kaalaman sa kahit anong programming language ay pwede itong gawin. Actually, kung kayo yung taong yun, pwede ko kayo igawa gamit ang C o C++. Hehe… Pero syempre, may commission dapat.
Maraming Tickets
Syempre, poproblemahin rin ng tataya kung saan bibili ng 5 milyong tickets. Magha-hire din sya ng magfifill-up ng tickets. Dapat siguraduhin lang na walang madodobleng kombinasyon, at ang lahat ng kombinasyon ay matatayaan. Pag may nakaligtaan ang nagfill up, at yun ang nanalo, mawawalang parang bula ng 52 million.
Dapat Hindi Lugi
Dapat hindi malulugi ang tataya. Una, dapat mas malaki ang premyo sa presyo ng tickets. Pangalawa, dapat isa lang ang mananalo. Syempre, pag may ibang nanalo ng jackpot prize, hahatiin ang premyo equally kung ilan ang nanalo.
